Infinito: Salinlahi

Chapter 66



Chapter 66 - 66

"Tama ka apo, ang iyong ama ay isang mataas na uri ng engkanto, isa siyang Mahomanay na kalimitang makikita sa mga kagubatan na nagpoprotekta sa mga hayop." sagot naman ng matanda.

"Lola, nabanggit ho ninyo, may kapatid si Esmeralda, alam niyo po ba kung paano namin makikita ang kapatid niya?" tanong ni Ismael at ang sagot nito ang siyang nagpatulo ng luha ni Esmeralda.

"Matagal nang nakakasama ni Esmeralda ang kapatid niya, simula pagkabata, ay nakasunod na ito sa kaniya. Purong engkanto ang naging katauhan ng kapatid niya habang si Esmeralda naman ay napanatili niya ang dugo ng isang babaylan. Salinlahi sila ng magkahalong lahi ng mga babaylan at Engkanto at ang pag-iral nila ang nagdudulot ngayon ng isang sigalot sa parehong mundo. Napag-alaman namin ang pagsasanib puwersa ng mga aswang at itim na engkanto para mapatay sila pareho, dahil ang paglalaho ng pag-iral ng magkapatid ang hudyat ng pagkawasak ng parehong mundo. Kaya kami ngayon naririto, upang bigyan sila ng babala at ihanda si Esmeralda sa maaari pang mangyari." Paliwanag ni Haraya.

"Ano po ang ibig niyong sabihin Lola Haraya? Matagal ko ng kasama ang kapatid ko?" Kunot-noong tanong ni Esmeralda. Isang kutob ang agad na bumalot sa sistema niya. Kutob na baka si Liyab ang tinutukoy ng nagpakilalang lola niya.

Tumahip ang kaba sa kaniyang dibdib. Kaya ba ganoon na lamang kung alagaan siya ni Liyab at protektahan. Alam rin ba ito ni Liyab? Ito ang mga katanungang umiikot ngayon sa utak ni Esmeralda.

Sumapit ang gabi at umuwi na nga si Esmeralda sa kubo niya kasama si Lola Haraya at Harani. Bagaman kakakilala pa lamang niya sa mga ito, hindi rin niya maikakaila ang gaan ng nararamdaman niya sa dalawa.

"Lola, pasensiya na ho kayo at hindi ko napalakihan itong kubo ko, hayaan niyo bukas magpapatulong tayo kay Mateo para gawa ng panibagongkuwarto dito. Pansamantala, dito ho muna kayo ni Tiya Harani sa kuwarto ko, doon na po muna ako kasama si Dodong," wika ni Esmeralda, habang inaayos ang higaan niya para sa kaniyang lola ta tiyahin.

"Ano ka ba naman Esme, ayos lang iyon, sino ba naman kasi ang mag-aaakalang magkikita-kita pa tayo. Sa napakaraming bayan na nalibot namin, narito ka lang pala sa Luntian. Alam mo bang ang bayang ito ay dating tirahan ng mga hindi nakikita, bago pa man ito pamahayan ng mga tao, naririto na sila." kuwento ng matanda. Napangiti si Esmeralda nang marinig ito, talagang hindi ito nauubusan ng kuwento, at lahat ng sinisimulang kuwento ng matanda ay siguradong panghahawakan mo talaga at hindi pakakawalan hangga't hindi natatapos.

Hatinggabi nang pare-pareho silang nakatulog sa iisang silid. Ang sanay unang plano ni Esmeralda ay hindi natuloy dahil napasarap ang kuwentuhan nila. Kinaumagahan, tila naging magaan naman ang gising ni Esmeralda. Nagising siya dahil sa mabangong amoy nanggagaling sa labas ng silid niya. May nauulinigan rin siyang nag-uusap, kaya naman bumangon na siya at lumabas.

Sa maliit nilang kusina ay naabutan niyang nagluluto si Harani, habang nasa harap namang mesa ang Lola Haraya niya at magiliw na nakikipag-usap kay Dodong.

"Magandang umaga ho," bati niya at napaangat naman ng mukha ang matanda. Ngumiti ito at binati rin siya, sabay kaway sa kaniya para maupo sa tabi nito.

"Kamukhang-kamukha mo talaga ang mama mo. Nakakalungkot lang dahil hindi na natin siya kasama ngayon." Malungkot na saad ng matanda.

Malungkot na napangiti si Esmeralda, sa unang pagkakataon ay narinig niya mula sa isang tao ang tungkol sa kaniyang ina.

"Talaga ho bang magkamukha kami ni mama?"

"Kamukhang-kamukha mo siya noong dalaga pa siya. Kung ano ang mukha mo kapag haharap ka sa salamin, iyon ang mukha niya." Tugon ni Haraya.

Nang pagkakataong iyon, inilapag ni Harani ang plato ng sinangag at pritong itlog sa harap nila. Nang magtama naman ang mga mata nila ay napangiti ito.

"Lola, talaga ho bang hindi nagsasalita si Tiya Harani?" Tanong ni Esmeralda.

Lalo namang lumapad ang ngiti sa labi ni Harani at pagkuwa'y hinaplos ang buhok niya.

"Nagsasalita ang Tiya Harani mo, pero para lamang sa mahahalagang salita. Alam mo kasi apo, biniyayaan si Harani ng makapangyarihan bibig. Lahat ng sinasabi niya, nagiging totoo. Narinig mo na ba ang kakayahan ng isang buyagan? Isang uri ng mangkukulam na gamit ang mga salita sa pagbibigay sakit sa mga nais niya. Ang Tiya Harani mo, parang ganoon rin."

"Ang galing 'di ba ate? Nakakabilib, narinig ko na rin ang mga tulad nila kay Lola Salya noon. Pero sa mga babaylan, isa sa isang daang babaylan lang ang nagkakaroon ng ganitong kakayahan. Kaya pinag-iingatan nila ito. At lahat ng may ganitong kakayahan, hindi talaga nagsasalita." Wika naman ni Dodong.

"Talaga, malakas na uri ng babaylan pala si Tiya Harani. Si mama, isa rin ba siyang babaylan, bago siya pumanaw?" Tanong ni Esmeralda.

"Oo naman, siya ang dapat na hahalili sa posisyon ko sa angkan kung hindi lang siya maagang kinuha sa amin. Marahil ay iyon talaga ang nakasaad sa tagna niya, at mawawala na lamang ako sa mundong walang hahaliling anak sa akin. "

"Lola Haraya, huwag ka hong malungkot, nariyan naman si Ate Esmeralda para doon. Magaling na manunugis si Ate kagaya ni Tiya Hamara at ang pagiging babaylan, mapag-aaralan niya naman iyon." Suhestiyon pa ni Dodong at nagkatawanan na lamang sila.

"Siya nga naman ano. Aba'y napakatalino mo talagang bata. Natutuwa ako sa'yo. Puwede rin ba kitang maging apo?" Masayang tanong ng matanda na agad naman tinanguan ng bata.

"Oo naman lola, sabi nga ni Lola Salya, hangga't may nagmamahal sa akin aa mundong ito, may rason ako para manatili rito. Kaya ayos na ayos po iyan." Sagot naman ni Dodong at napuno ng tawanan ang dating tahimik na kubo ni Esmeralda.

Matapos naman niilang mag-almusal ay inilibot ni Esmeralda ang mga ito sa bukid. Pinakilala rin niya ang lola at tiyahin niya sa mga manunugis na ngayon ay naninirahan na rin sa tabi lang nila. Naging maiinit naman ang pagtanggap ng mga ito sa lola at tiyahin niya lalo pa nang malaman nilang babaylan ang mga ito.

Sa kalagitnaan ng pagsasaya nila ay pare-pareho silang napalingon nang may isang ginang na humahangos patungo sa kanila. Bitbit nito ang isang batang tila wala ng buhay at duguan pa.

Nagsisisigaw ito ng tulong at agad naman itong dinaluhan ni Paeng.

"Esme, tulungan mo kami. Ang mga anak ko. Kinuha sila... Esme ang mga anak ko!" Palahaw ng ginang at halos lumuhod ito sa harapan niya at halikan ang lupa sa pagmamakaawa.

"Ano pong nangyari?" Agad na tanong ni Esmeralda at inutusan si Paeng na ilapag sa papag ang bata. Sinuri niya ang duguang katawan nito at halos manlumo siya nang makitang may malaking butas ang parteng dibdib nito at nawawala na ang puso ng bata.

Natatayang nasa sampong taong gulang ang bata,

"Hindi ko alam Esme, mahimbing amg tulog namin kagabi, wala akong kaalam-alam, kahit ang mga kapitbahay namin, walang raw silang narinig. Paggising ko, wala na ang tatlong anak ko. Lahat sila ganyan ang sitwasyon. Esme, ang mga anak ko!"

Humagulgol sa pag-iyak ang ginawang, tahimik lang na nagkatinginan ang mga manunugis at si Paeng ang nagtanong kung saan ang bahay nito.

"Alam ko ang bahay nila, tara puntahan natin." Hinugot ni Mateo ang suot na sombrero at saka iyon inilagay sa ulo ni Esmeralda bago ito bumulong sa dalaga. Tumango naman si Esmeralda at agad na pinatayo ang ginang.

Isang oras din ang lumipas bago bumalik sina Mateo dala ang dalawa pang bangkay ng bata.

Inayos nila ito, nilinis at dinamitan ng kulay puti. Matapos ay inihiga nila ito sa papag na nasa labas ng bakuran ni Esmeralda. Doon naman nagsimulang bumulong sa hangin si Lola Haraya at Harani.

"Anong ginagawa nila sa mga anak ko?" Tarantang tanong ng ginang.

"Huwag po kayong mag-alala, inaalam po nila kung ano ang tunay na nangyari sa mga bata," mahinang wika ni Esmeralda at natahimik naman ang ginang.

Maya-maya pa ay nagmulat na ng mata si Lola Haraya.

"Nasa ilalim ng malakas na orasyon ang lugar nila, kaya hindi nila naramdaman ang pag-atakeng ginawa ng mga aswang kagabi. Biktima ng aswang ang mga bata, nakaawa, wala man lang tayong nagawa. Nagsisimula na sila." Umiiling na wika pa nito.

Nabahala naman si Esmeralda at agad na pumasok sa isip niya ang mga dayong may bitbit na kahon na naglalaman ng aswang.

"Lola, may isasangguni ako sa iyo, pero doon na po muna tayo mag-usap sa bakuran. Mateo, pakitulungan mo naman si ate na ibalik sa bahay nila ang mga labi ng bata. Isama mo na sina Paeng para masigurong maayos na maibuburol amg mga bata. Susunod kami roon mamaya." Utos ni Esmeralda at agad namang kumilos angga nabanggit.

Tumuloy sa likod ng bahay si Esmeralda, Lola Haraya at Harani. Agad namang napatingin si Harani sa puno ng mangga at agad na nagbigay galang.

"Malapit ka sa mga elemento, nakakatuwa naman, ano pala ang isasangguni mo, apo? Tungkol ba iyan sa biglaan pag-atake ng mga aswang rito?"

"Opo lola, kahapon kasi, bago tayo nagkita, mga bandang tanghali, may mga dayong napadaan rito, may hawla silang hatak-hatak , at lulan no'n ay tatlong aswang na hanagob. Ang sabi pa ng matanda nang makausap ko, bagong yanggaw raw iyon, hindi raw kompleto. Hindi ko nga rin naiintindihan lola."

"Hanagob? Yanggaw? Imposible," bulalas ng matanda.

Enhance your reading experience by removing ads for as low as $1!

Remove Ads From $1

Tip: You can use left, right, A and D keyboard keys to browse between chapters.