Infinito: Salinlahi

Chapter 74



Chapter 74 - 74

Pagkapasok ay nakita naman niyang nakaupo sa mahabang upuan si Liyab at matamang nakatingin sa babae. Tila may kung ano itong iniisip dahil bahagya pang nakukunot ang noo ng binata.

"May problema ba Liyab?" Tanong ni Esmeralda. Umupo siya sa tabi nito at sabay titig na rin sa babae.

"Hindi ko maramdaman ang presensiya ng pagiging tao niya, Esme. Pakiwari ko'y tuluyan na niyang kinain ang itim na kaning inalok sa kaniya ng mga itim na engkanto. At ang katawang ito ay isang sisidlan na lamang na magagamit nila kung nanaisin."

"Ibig mong sabihin, walang laman ang katawang ito, kaya hindi niya magawang magising?" gulat at pagtataka ang lumukob sa sistema ni Esmeralda. Napatingin ulit siya sa katawan ng babae at nag-aalalang binalingan naman si Liyab.

"Oo, at tama lamang na ilayo pansamantala si Tatay Ismael sa kaniya. Sa tingin ko ay balak talaga nilang pagurin at pahinain ang albularyo sa lugar na ito. Albularyo lamang kasi ang magiging malaking sagabal sa kanila kapag nagkataon. Hindi nila alam ang tungkol sa mga babaylan na narito."

"Kaya pala, ganoon na lang nila kung ipagdutdutan na dito manatili ang babaeng iyan." Wika ni Esmeralda. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang aabot sa puntong iyon ang sitwasyon nila. Nagmimistula silang mga ilag na hayop na walang iabang ginawa kun'di ang maging alerto sa kanilang paligid.

Matapos angh pag-uusap nilang iyon ay naglagay naman ng selyo si Liyab sa loob ng kubo. Alam niyang ano mang oras ay magigising ang babae kapag naisipan na ng mga kalaban nila ang kumilos. Kaya mas maiging may selyo siyang iiwan na kung sakali ay matitimbrihan siya nito.

Paglabas nila sa kubo ay sumalubong naman sa kanila si Maragarita na noo'y may dalang puto.

"Naku, nag-abala pa po kayo. Pero maraming salamat po dito tiya, siguradong matutuwa si lola rito."

"Naku wala iyon. Mukhang nagbago na nga si Ate, ngayon naaalala ka ng bigyan ng mga luto niya. Sige na, umuwi ka na. Huwag mong kalilimutang tikman iyang niluto niya ha." Nakangiti pang wika ni Margarita.

"Opo, salamat tiya, alis na po kami." Paalam ni Esmeralda at inakay na so Liyab na umalis. Saktong papasapit na rin ang tanghalian nang mga oras na iyon at siguradong naghahanda na ang lahat sa bukid para sa nakagawiang kainan.

Pagdating nila sa bukid ay sakto namang naghahain na si Harani sa mahabang mesa sa lilim ng mga puno ng mangga na nakahilira sa gilid ng palayan. Papaahon na rin ang mga magsasaka kasama ang mga manunugis na tumutulong doon.

"Siya nga pala Liyab, alam mo ba ang tungkol sa kakayahan ni Tiya Harani?" Naalala ni Esmeralda.

"Oo, nalaman ko noong makita ko siya. Hindi siya nagsasalita pero naririnig ko ang mga sinasabi niya."

"Nakakausap mo siya?"

"Oo naman, isa akong engkanto kaya may kakayahan akong katulad sa mga gabay. Kung tutuusin nga, isa rin ako sa mga gabay mo." Nakangiting tugon ni Liyab.

"Oo nga pala. Pero Liyab, ang tungkol naman kay Dodong?"

"Katulad rin natin si Dodong, ang kaibahan lamang ang uring pinanggalingan niya. Anak siya ng isang tamalanhig, isang engkantong babae na nahulog sa isang mortal. Nakakatawamg isipin dahil ang uring iyon ay isa sa mga iniiwasan dahil nang-aakit sila ng mga lalaki at dinadala sa kanilang kaharian para baliwin. Pero sino ang mag-aakalang mahahanap at magagawa nilang umibig sa isang mortal at makakabuo pa." Natatawang komento ni Liyab.

"Ang kaibahan lang, si Dodong lumaki sa mundo ng mga engkanto bago siya dinala sa lupa. Habang ikaw, lumaki sa mundong ito bago mo narating ang mundo ng mga engkanto. Ako naman doon na lumaki at nagkaisip kaya naman mas lamang ang pagiging engkanto ko kaysa sa pagiging tao."

Napatango naman si Esmeralda nang maunawaan ito. Pero hindi niya maitago na namamangha pa rin siya hanggang ngayon sa mga nalalaman. Sino ang mag-aakalang may dugo siya ng isang engkanto.

Nang marating naman nila ang kinaroroonan ng mga magsasaka ay agad na nag-alok ang mga ito ng pagkain.

Masayang makihalubilo naman si Liyab sa mga ito na animo'y natural na talaga sa kaniya ang pagiging tao. Tila sanay na sanay ang binata sa pakikihalubilo sa mga tao.

"Ate, kanina habang nasa bayan kayo, nakita naming nakatingin dito ang lola. Pupuntahan ko sana kaso sabi ni Lola Haraya, hayaan ko lang daw at hindi naman sila makakalapit rito dahil sa mga pangontra." Sumbong ni Dodong.

"Tama lang na sinunod mo si Lola Haraya, hangga't nasa teritoryo ka, huwagong hahayaang mapalabas ka nila, lalo kapag sa gabi. Mabuti at umaga ngayon. Hindi mo alam baka may patibong pala na naghihintay sa'yo."

"Esme, saan galing iyong puto, ang sarap ah. " Puna ng isang magsasaka. Kasabayan nitong kumakain ang apo ni Manong Efren at nakangiti pang namimilog ang pisngi nito sa pagkain.

"Gawa ho ni Tiya Silma. Mabuti ho at nagustuhan ninyo. Hayaan niyo at sasabihin ko sa kaniya na masarap. Siguradong matutuwa iyon at ipagluluto pa tayo."

"Masarap po ate, sobrang sarap. Para akong nasa langit." Inosenteng wika naman ni Maria.

Nagtawanan sila at nagpatuloy na sa kanilang tanghalian. Kinahapunan, matapos ang kanilang mga gawain sa bukid ay sabay-sabay na silang bumalik sa kubo. Si Liyab naman ay nagtungo na sa puno para doon mamahinga.

Lumipas ang gabing naging payapa ang lahat. Wala silang kaalam-alam na isang trahedya ang muling gugulo sa kanilang tahimik na buhay.

Umagang-umaga, hindi pa man naimumulat ni Esmeralda ang kaniyang mga mata ay naulinigan na niya ang pagkakagulo ng mga tao sa labas ng bahay nila.

Nagtatawag ang mga ito ng tulong at naririnig pa niya ang pagbanggit ng mga ito sa pangalan ni Ismael.

Napabalikwas ng bangon si Esmeralda at dali-daling binuksan ang nakasarang bintana. Pagdungaw niya ay tumambad naman sa kaniya ang mga nagkakagulong magsasaka.

"Manong, ano ho't ang aga-aga. Ano jo ba ang problema?" Tawag niya at lumingon ang isa sa mga ito.

"Esme, si Pedro. Ayaw magising, nagisingan namin siyang nagsisigaw kanina, tapos nang gisingin naman namjn, ayaw niyang magising." Wika ng magsasaka.

Agad na kumunot ang noo ni Esmeralda dahil naalala niyang ito ang kumausap sa kaniya kahapon tungkol sa puto na luto ng kaniyang tiyahin.

Agad na tumahip ang kaba sa dibdib niya at inutusan ang mga ito na dalhin ang lalaki sa maliit na kubo sa gilid ng kubo niya.

"Magmadali ka, tawagin niyo si amang." Utos niya at agad naman tumakbo ang lalaki. Tumabi naman siya rito at agad na sinuri ang pulso ng lalaki.

May pulso pa ito ngunit mahina. Napabuntong-hininga siya at agad na nilisan ang kubo para kunin ang mga madalas gamitin ni Ismael para ihanda. Sakto namang natapos niyang maihanda lahat nang dumating si Ismael. Nagising na rin si Haraya at inaalalayan ito ni Harani papasok sa kubo.

"Lason at sumpa? Mukhang pinadaan sa pagkain. Manay Lisa, ano ba ang kinain niya kahapon?" Tanong ni Ismael nang balingan ang asawa ni Pedro.

Saglit na nag-isip ang ginang pero kahit anong gawin nito ay wala siyang maisip.

"Ka Mael, wala akong maisip, dahil lahat ng kinain niya ay nakain ko rin naman, maayos naman ako. At wala din naman kaming tinatanggap na pagkain mula sa nga hindi kakilala." Umiiyak na sagot ng ginang.

Nahulog sa malalim na pag-iisip si Ismael, ganoon din naman si Esmeralda. Pero hindi pa man din sila nakakabuo ng konklusyon ay isang pamilyar na palagaw naman ang kumuha ng atensyon nila. Ilang sandali pa ay humahangos na dumating sa kubo si Mang Efren, buhat-buhat ang walang malay na si Maria.

"Esme, si Maria. Ang apo ko. Tulungan niyo ang apo ko." Palahaw ni Mang Efren. Saglit na natigilan si Esmeralda nang makita ang sitwasyon ng bata. Nang makahuma ay mabilis niya itong kinuha sa matanda at pinahiga sa isa pang papag sa loob.

Nang damahin niya ang pulso nito ay napasinghap siya. Agad ring dinaluhan ito ni Ismael at sinuri.

"Amang, mukhang alam ko na kung ano ang kinain nila." Wika ni Esmeralda.

Enhance your reading experience by removing ads for as low as $1!

Remove Ads From $1

Tip: You can use left, right, A and D keyboard keys to browse between chapters.